Anino ng Boses
Ang pagdating niya sa aking buhay ay parang pagdaan ng isang anino.
Mabilis, mapusok, at sa isang iglap, lumipas na parang panaginip.
Sa sandaling panahon na nasilayan ito ng ilaw, nagkaroon ito ng sarili niyang buhay,
sarili niyang anyo, ngunit sa huli,
iiwan ka rin nito.
“Ikaw ba yan? Ikaw ba talaga?” eksayted kong tinanong ang boses sa kabilang linya. “Oo, ako nga!” tumatawang sagot ng lalaking tila galing sa balon ang boses. Hindi ako makapaniwala sa aking naririnig. “Hello?” malumanay na pagsabi ng boses. Malaki at malalim ngunit mayroong nakakakiliting tuwa sa boses ng nasa kabilang linya. “Hello?” matamis na pag-uulit niya.
Ngayon lamang ako nakipagtalastasan sa isang lalaki gamit ang telepono. “Hello” tahimik ngunit ang mga ngiti’y abot hanggang tainga. “Sigurado ka ba na ikaw ‘yan? Ang laki kasi ng boses mo at ang lamig-lamig”. “Hmm, ayaw mong maniwala? O sige, makinig ka ha.” Kinikilig niyang sabi. “Hindi ba ikaw si Tala, labimpitong taong gulang, pangatlo sa anim na magkakapatid, nasa huling semestre sa kolehiyo, kumukuha ng Electrical and Communications Engineering sa Mapua at ah, ahm, ang babaing pinakamamahal ko??! O ano, okay na ba? Ako na ba ang iniisip mong ako?” tumatawang sabi ng boses. “Oo na, ikaw na nga!”
Tila wala ng makakapigil sa nararamdaman naming dalawa. Ito na yata ang matagal ko ng hinihiling, ang pag-ibig na para bang niyayakap ang lahat ng emosyon na maaring maramdaman ng isang tao, parang saranggola na naglalaro sa hangin.
Hawak ang telepono, pahikbi akong nagtanong sa boses sa kabilang linya: “Ikaw ba yan? Ikaw ba talaga?” Tatlong taon na pala ang nakalipas: “Kapag sinabi ko ba na ako pa rin ito, may magbabago pa ba?” Matigas na sagot ng boses. “Isa pa. PLEASE.” “Matagal na akong bumitiw. Hindi na kita kayang akayin pa.” Tatlong taong pagmamahal na kumupas sa pagdaan ng panahon. “Baka pwede pa natin ayusin?” “Ikaw ang nagsabi, ayaw mo na, kaya ayoko na rin. Ang gulo ng isip mo. Hindi ko na alam kung ano ba ang totoo o hindi sa mga sinsabi mo.” “Ayaw mo na ba talaga?” durog na boses kong tinanong sa taong nasa kabilang linya. “Pagod na ako. Madami akong iniisip ngayon, ang daming problema sa opisina, pati si inay may sakit. Magulong-magulo na ang isip ko, huwag mo ng dagdagan pa.”
Biglang naglaho ang lahat ng nasasaid na pag-asa sa aking mga labi. Hindi ko na maalala kung gaano katagal ko bago napagtanto na mahabang katahimikan nalang pala ang kausap ko. Pag-klik ng telepono ay agad akong pumunta sa aking kwarto. Ni-lock ang pinto, humiga sa aking kama at nilunod ang mukha sa mala-yelong unan. Dibdib na wari’y sasabog sa bigat, ulo kong mala-tumor sa sakit, mga luhang ino-ondoy sa tuloy-tuloy na pagpatak. Masama ang loob ko, masamang-masama. Sa sobrang ngitngit ay ang sigaw na gusto kong ilabas ay tila tutang nabahag ang buntot. Ang utak ko ay nakalutang sa kawalan, hindi ko na alam kung ano ang dapat gawin. Gusto ko uling marinig ang kanyang boses, ang boses na una pa man ay napakasaya, napakasigla, puno ng pagmamahal at liwanag.
Kring kring kring kring “Hello?” sambit ng boses “Hello?!!” sambit muli nito “Hello!!!!!!” inis na isinigaw nito. Bumalot muli ang katahimikan sa kabilang linya. Nag-iba na ang boses. Hindi na ito katulad ng dati.
Malamig, madilim, tahimik. Nawala na ang boses na aking ginigiliw, ang aking sinisinta, ang naghahatid liwanag sa aking mga tainga. Wala na ang boses. Wala na. Parang anino na kay dilim, kay lamig at natuyot ng pagmamahal.